Philippines

Di pa rin pinayagang bumiyahe… Palasyo sa jeepney drivers: Pasensiya na po

Humingi ng paumanhin ang Malacañang sa mga jeepney drivers na hindi pa rin pinayagang makapag-operate sa Hunyo 1.

 

Sa Laging Laging Handa virtual press briefing, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na mahirap pa ring ipatupad ang physical distancing sa loob ng mga jeep.

 

“Pasensiya na po sa ating mga kapatid na namamasada ng mga jeepney, pero pinag-aaralan pa po kung paano magkakaroon ng social distancing sa ating mga jeepneys. Bagama’t mayroon na po tayong bahagyang pagbukas o pagpayag sa mga pampublikong transportasyon, eh ang pangunahing guideline po d’yan, social distancing,” ayon kay Roque.

 

Nabatid na sa ilalim ng general community quarantine papayagan na sa susunod na dalawang linggo ang pagbiyahe ng mga tren and bus augmentation units, taxi, TNVS, point-to-point buses, shuttle services at bisikleta pero sa limitadong kapasidad lamang.

 

Papayagan din ng Department of Transportation ang pagbiyahe ng mga tricycle base sa pag-apruba ng local government units habang hindi pa rin puwede ang mga provincial buses na makapasok sa Metro Manila.

 

Para naman sa second phase mula June 22 hanggang June 30 papayagan na ang mga public utility buses, modern jeepneys at UV express vans sa kondisyon na sundin ang minimum health standards, pagsusuot ng face masks at ipairal ang social distancing.

 

“Eh ang mga jeepney po kasi harapan, so napakahirap na magkaroon ng social distancing; pero pag-aaralan pa po iyan dahil mayroon naman pong mga prototype na jeepneys na kung saan every other seat ang kanilang pinauupuan. Kung lahat po ng jeepneys ay pupuwedeng mabago iyong kanilang upuan sa ganitong paraan, eh pag-aaralan po iyan ng IATF,” sabi pa ni Roque.

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Back to top button

Adblock Detected

Support us by allowing our Ads to show on our website!